Hindi sapat ang ganda at awra. Dapat may wit at sagot na tumatama! Ang mga reynang gustong tumatak, mas binonggahan ang talak sa unang weekly finals ng "Miss Q and A" sa June 20 episode ng "It's Showtime."
Kanya-kanyang paandar sa pagrampa sina Miss Jawo ng Antipolo City, Kelly Agustin ng Nueva Ecija, Elisse Kagandahan Alamo ng Quezon City, Miss Mia ng Malolos Bulacan, Andrea Jane ng Del Monte Quezon City, at Barbie Bratz Ayuda ng Trece Martires Cavite.
Agad uminit ang puksaan ng mga kandidata dahil lahat ay sumabak with full confidence. Sina Barbie Bratz at Miss Jawo, mainit ang dugo sa isa't isa. Kaya biro ni Vice Ganda, kung sino pang magkamukha, sila pa ang nag-aaway!
Mula sa anim na nagpabilisan at nagpatalinuhan sa 'TumPAK Ganern' round, apat lang ang umabante sa 'WIT Lang' kung saan self-expression at pagiging creative sa mga sagot ang naging labanan. Sina Miss Jawo, Barbie, Kelly at Elisse ang pumasok sa second round.
At mula naman sa kanilang apat, sina Miss Jawo ang Kelly ang nag-face-off sa BEKLAMATION kung saan iisang tanong lamang ang kanilang sinagot. Ito ay kung anong makeup product ang ibibigay nila sa kanilang tatay.
Parehong 'lipstick' ang naisip nilang sagot, pero nagkaiba sa lalim ng paliwanag. "Minsan simbolo po ito ng feminismo. Minsan natatakot ang mga tatay natin na magkaroon ng lipstick sa kanilang mga labi dahil natatakot silang kutyain na sila ay bakla. Pero maipagmamalaki ko sa inyong lahat na tanggap ako ng tatay ko. Bigyan ko man siya ng lipstick ngayong Father's Day, alam ko na ikaka-proud ko ito... Bibigyan ko siya ng lipstick dahil 'yun ay tanda na proud siya sa akin," sabi ni Kelly.
Mas tumatak kina hurado Alexa Ilacad, Ralph de Leon, at Nicole Cordoves ang talak ni Kelly, kaya siya ang itinanghal na Miss Q and A Reyna TalakERA of the week! Nakakuha si Kelly ng average score na 9.3, samantalang 8 naman ang grado ni Miss Jawo.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa ABS-CBN sa ALLTV2, GMA 7, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
