It's Girly! No, it's Vice Ganda! Hindi kayo namamalikmata! Heto na talaga, nagbabalik na siya! Parang halo-halo na may extra scoop of ice cream, ube at leche flan, espesyal ang Sabado sa "It's Showtime" studio sa pasabog comeback ng Unkabogable Superstar na na-miss ng lahat.
Para bang costume party, nag-effort ang "Showtime Online U" squad at ilang Madlang People na magbihis bilang characters ni Meme Vice sa pelikulang "Girl, Boy, Bakla, Tomboy." Lumabas naman si Vice dressed as Girly, isa sa magkakapatid na Jackstone sa nasabing pelikula.
Na-miss ni Meme ang everybody! At sa pagmamadali, nakalimutan pa nga ang signature nunal ni Girly! It’s okay, Meme! In-enjoy muna niya ang catch-up with her co-hosts bago sumabak muli sa hosting.
Dahil nagbabalik na ang life of the party, ang kuwentuhan sa 'Laro Laro Pick,' extra happy! Mataas man ang presyo ng gasolina, dahilan para maghigpit sila ng sinturon, hindi naman tinipid sa papremyo, good vibes at pag-asa ang madlang drivers na sumabak sa game arena.
At hindi rin tinipid ni Meme Vice ang kan'yang boses, na ginamit niya upang manawagan sa gobyerno ng tamang assistance at tulong para sa mga drivers lalo na sa gitna ng pandaigdigang oil price hike.
"Sana lang nanonood ang pamahalaan," sabi ni Vice. "Marami pong Pilipinong ganito ngayon, nawalan ng trabaho dahil sa taas ng presyo ng gasolina, lalong lalo na ang mga drivers, sila ang unang tinamaan ng krisis na ito. Hindi na makapasada."
"Ang tanong, ano ang plano n'yo sa kanila?" tanong ni Vice. "Bata pa lang naman tayo, tumataas na ang gasolina. Alam naman natin na mangyayari't mangyayari 'yan, kaya dapat 'yung pamahalaan, bago pa mangyari 'yan, nag-iisip na kayo ng mga gagawin n'yo 'pag nangyari 'yan. Hindi 'yung 'pag nangyari 'yan, taranta kayo, nankanganga at walang magagawa sa mga naghihirap na mamamayan."
Naantig ang puso ni Vice sa kuwento ni Hapon, na sa kabila ng pagiging masayahin, mayroon palang bigat na kinikimkim. Mula Bicol, lumuwas siya upang makipagsapalaran at maghanapbuhay bilang jeepney driver. May isa siyang anak na natigil ang pag-aaral sa kolehiyo dahil nahinto ang pagpapadala niya ng allowance mula nang matigil sa pamamasada dahil sa pagtaas ng gasolina. Isang buwan na siyang walang trabaho, dahil isinauli na niya ang jeepney sa operator nito.
Kung noon, kahit papaano ay sa jeep siya natutulog, ngayong wala na ang jeep ay sa kalsada na lang nakatira si Hapon. Rumaraket lang siya bilang 'porter' sa isang terminal para lang may pambili ng pagkain.
Hindi nakatiis si Vice Ganda at nangako na bibigyan si Hapon ng pamasahe pauwi ng Bicol at maliit na puhunan upang makapagsimulang muli. Magbibigay rin si Meme Vice ng tulong sa pag-aaral ng anak ni Hapon.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa ABS-CBN sa ALLTV2, GMA 7, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
