Patay ang dalawang taong gulang na batang lalaki dahil sa mga tinamong suntok sa katawan at matinding pinsala sa ulo.
Sa impormasyon mula sa Naval Municipal Police Station at Biliran Police Provincial Office isinugod sa Biliran Provincial Hospital ang bata matapos matagpuang walang malay malapit sa kanilang bahay sa Barangay Catmon, Naval, Biliran noong Agosto uno.
Dead on arrival na ang bata sa ospital, ayon sa PNP.
Sa imbestigasyon, lumabas na ang 27-anyos na stepfather ang may kagagawan sa pananakit sa bata base sa testimonya ng kanyang apat na taong gulang na kapatid at ilang testigo.
Ayon sa PNP, batay sa salaysay ng ilang testigo, dalawang beses na sinuntok ng suspek ang bata at itinulak ito dahilan para matumba at tumama sa bato ang kanyang ulo.
Nagalit umano ang suspek dahil sa walang tigil na pag-iyak ng bata kaya sinaktan ito.
Wala ang nanay ng bata nang mangyari ang insidente ayon sa PNP.
Agad namang naaresto ang suspek at nahaharap sa kasong murder.
