Patay ang magkapatid matapos matamaan ng mga malalaking tipak ng bato ang kanilang kubo sa Sitio Kayrupa, Bgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal, Miyerkules ng tanghali.
Kinilala ng nanay ng mga biktima ang mga nasawi na sina Urilyn Sison, 22-anyos at Jessie Sison, 20-anyos na pawang mga residente sa lugar.
Ayon kay Police Lt. Col. Arwin Gaffud, Chief of Police ng Rodriguez PNP, kasagsagan ng ulan at malakas na hangin sa lugar nang mangyari ang insidente.
Nasa kubo ang magkapatid kung saang nagluluto sila nang tanghalian nang mabagsakan sila ng mga malalaking tipak ng bato galing sa katabing Mt. Binakayan.
Dead on the spot ang dalawa dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.
Agad naman rumesponde ang mga tauhan ng barangay, municipal disaster risk reduction and management office at Rodriguez Police para marecover ang bangkay ng mga biktima.
Lalaki patay sa saksak ng live-in partner sa Quezon City
"Bale sabi ng ating imbestigador dahil sa sunod-sunod na ulan lumambot ang lupa ang dalawang magkapatid natabunan ng malaking bato na naging sanhi ng kanilang pagkamatay doon po sila nakatira, habang nagluluto nang panaghalian," sabi ni Gaffud.
"Mag-ingat po tayo dahil ngayon nga po ay maulan, ang lagi naming advise na kung pwede lumikas po muna sa mataas na lugar para maiwasan ang ganitong disgrasya," dagdag niya.
Labis naman ang paghihinagpis ni Marivic Sison, nanay ng mga nasawi. Naulila din ang kanyang mga musmos na apo na may edad 1 at 3 taong gulang.
"Hindi ko nga sukat akalain na yung mga anak ko eh, akala ko buhay pa, pagpunta ng kapatid niya eh wala na raw silang dalawa," sabi ni Sison.
Nananawagan din sila ngayon ng tulong para sa pagpapalibing sa dalawa lalo na't pawang mga breadwinner din ng kanilang pamilya ang mga nasawi.
"Para may pagpapalibing lang po kami, mga bayaran po namin, paglakad ng mga ano nilang magkapatid, mga papel para mapalibing," sabi ni Sison.
Dagdag pa ni Marivic, dati silang nangungupahan sa mas mataas na lugar sa nasabing barangay ngunit kinailangan nilang tumira sa tabi ng ilog para makapagtrabaho at magbantay ng tindahan ang anak na si Urilyn.
Inalok din kasi sa kanila ang libreng bahay kaya nagpasya silang doon na tumira.
"Naghahanap buhay yung anak kong isa, ako nagaalaga ng anak niyang dalawa, kinuha akong taga-alaga kahit may sakit ako, nagtitiis ako, ako nagaalaga sa dalawa kong apo. Binigyan kami ng bahay na tirahan namin na libre daw, kasi nangungupahan daw kami dito [sa ibang lugar]...eh [ngayon] wala na kaming ibayad, so yung pinaguupahan namin, ipambili nalang daw ng pagkain namin," sabi ni Sison.
Rider na bumili ng ulam patay nang sumalpok sa poste sa Rodriguez, Rizal
Pero dahil sa insidente, nagpasya na silang magpapamilya na huwag na muli tumira sa lugar.
Samantala, sinabi naman ng mga taga barangay na ilang araw na silang nagbibigay ng abiso sa mga residente sa nasabing sitio na pansamantalang lumikas dahil sa banta ng landslide at rock slide.
Ngunit may ilang mga residente ang bumabalik sa lugar dahil sa kanilang hanapbuhay.
"Inaabisuhan namin doon pinapaaalis po namin sila sa area, kaso yung iba hindi umaalis kasi may mga hanapbuhay sila doon...bangkaan yun eh, so may mga nagtitinda doon. Nung unang gumuho last week nagsabi na kami sa mga residente, nagsasabi na kami na umalis na kaso yung iba bumabalik," sabi ni Lina Balmis, officer ng barangay disaster risk reduction and management office.
Tinatayang nasa 20 bahay o pamilya ang naninirahan sa nasabing sitio.
Pansamantalang tutuloy sa barangay hall ng barangay San Rafael ang pamilya Sison, habang pansamantalang nanuluyan sa ibang mga kaanak ang iba pang mga apektadong residente sa lugar.
RELATED VIDEO:

