← Back to Home

Mga kabaong natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila

Mga magkakahiwalay na kabaong ang natagpuan sa ilang bahagi ng Metro Manila nitong madaling araw ng Biyernes, Agosto 7.

🕒 8/7/2026, 12:54:25 AM361 wordsEN
Eon Sanchez

Eon Sanchez

Eon Sanchez is a reporter for ABS-CBN News covering the Metro beat. He earned his Broadcasting degree from the Polytechnic University of the Philippines, magna cum laude. Before joining the newsroom, he served as Editor-in-Chief of The Communicator, the official student publication of PUP College of Communication.

#Kabaong#Caloocan#Quezon City#Makati City#Manila#Kabaong

Isang kabaong na may lamang mga retrato ng dalawang indibidwal ang iniwan sa Boy Scout Circle sa Timog Avenue, Quezon City, madaling araw ngayong Biyernes, Agosto 7, 2026. Courtesy: Bgy. South Triangle via Eon Sanchez, ABS-CBN News

MAYNILA — Mga magkakahiwalay na kabaong ang natagpuan sa ilang bahagi ng Metro Manila nitong madaling araw ng Biyernes, Agosto 7.

Kabilang sa mga lugar na may natagpuang kabaong ang Boy Scout Circle sa Quezon City, Barangay Bel-Air sa Makati, at 7th Avenue sa Caloocan City.

Sa Quezon City, bandang 2:30 ng madaling araw nang makatanggap ng ulat ang Barangay South Triangle hinggil sa isang kabaong na iniwan sa Boy Scout Circle sa kanto ng Tomas Morato at Timog Avenue.

Ayon kay Lilibeth Bancairen, BPSO staff ng Barangay South Triangle, isang puting van na walang plaka ang umano’y nagbaba ng kabaong bago umalis sa lugar.

“Wala pong pagkakakilala yung mga nagbaba,” ani Bancairen.

Sinabi rin niyang wala umanong bangkay sa loob ng kabaong kundi mga retrato lamang ng dalawang indibidwal.

“Picture lang po,” aniya.

Batay sa impormasyong ibinahagi sa kanila ng kanyang mga kasamahan, isang Chinese minister umano ang nasa isa sa mga larawang inilagay sa loob ng kabaong.

"Ang pagkakaexplain po sa akin ng mga kasamahan ko, minister ng China yung nakalagay sa kabaong," ani Bancairen.

Inalis na ng mga pulis ang kabaong sa lugar at hindi na alam ng barangay kung saan ito dinala.


Sinuri ng mga tauhan ng bomb squad ang isang kabaong na natagpuan sa Bgy. Bel-Air, Makati nitong madaling araw ng Biyernes, Agosto 7, 2026. Contributed via Eon Sanchez, ABS-CBN News

Samantala, sinuri naman ng bomb squad ang isa pang puting kabaong na natagpuan sa Barangay Bel-Air sa Makati.

Makikita sa kabaong ang mga larawan ng tatlong indibidwal at isang pulang bandilang may nakasulat na “Chinese Communist Party (CCP) Greedy! Salot!”

Isa ring kabaong ang natagpuan sa 7th Avenue sa Caloocan City.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang magkakahiwalay na insidente at kung sino ang nag-iwan ng mga kabaong sa iba’t ibang lugar.

Kinukumpirma pa ng mga awtoridad ang ulat tungkol sa isa pang kabaong na umano’y nakita sa Plaza Sta. Cruz sa Maynila.


KAUGNAY NA VIDEO


Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.
Mga kabaong natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila | Cheezmis