Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos manloob sa isang bahay sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City noong Miyerkules ng gabi, August 5. Courtesy: iNews Pasig via Christopher Sitson, ABS-CBN News
MAYNILA — Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos manloob sa isang bahay sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City noong Miyerkules ng gabi, August 5.
Bukod sa pagnanakaw, minolestya pa ng suspek ang naabutang 8-anyos na batang babae sa loob ng bahay.
Ayon sa rumespondeng barangay, bandang alas-10 ng gabi nang biglang pinasok ng suspek ang bahay at tinarget ang nakitang cellphone.
Pero imbes na tumakas, hindi pa nakuntento ang suspek at minolestya ang naabutang batang babae.
Lahat ng tagpo ay nasapul sa CCTV sa loob ng bahay pero minabuting hindi na ipalabas dahil sensitibo.
“Nakita niya yung cellphone, kinuha niya, and then mayroon pong isang batang babae roon, nilapitan niya. Hinawakan niya sa maseselang bahagi ng katawan, pinagsamantalahan yung bata. Yung bata po pilit na nagpupumiglas, habang yapos-yapos nung suspek,” pahayag ni Kagawad Arcie Lucas ng Barangay Pinagbuhatan Peace and Order.
Agad nakapagsumbong sa magulang ang bata kaya nasaklolohan ng mga residente.
Nadakip ng barangay at pulisya ang suspek sa isang eskenita malapit sa pinagnakawang bahay.
Nabawi sa kanya ang ninakaw na cellphone na mayroon na niyang selfie na ginawa pa niyang wallpaper.
Narekober din sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu.
Aminado ang suspek sa nagawang krimen.
“Nahipuan ko sir. Nahipuan ko yung pwetan niya po. Hinawakan ko yung pwetan para mahiga po siya. Hiniga ko,” pag-amin ng suspek.
Ayon sa barangay, kalalaya lang ng suspek noong September 2025 matapos masangkot sa pagnanakaw at ilegal na droga.
Nasa kustodiya na ng Pasig City Police Station ang suspek na sasampahan ng mga reklamong theft, acts of lasciviousness, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Tumanggi na sa panayam ang kaanak ng biktima.
KAUGNAY NA VIDEO
