"'Yung samahan dito sa 'It's Showtime' kasi parang pamilya kami," sabi ni Darren Espanto para 'depensahan' ang sarili sa mga pabirong revelations ni Vice Ganda sa January 21 episode ng "It's Showtime."
Sa kalagitnaan ng kuwentuhan matapos ang unang performance sa 'Tawag Ng Tanghalan Ika-10 Taon,' napag-usapan ang buhay ng contender, na pakiramdam daw ay hindi siya nagugustuhan ng mga babae dahil sa jolly personality niya.
Kaya humirit si Darren ng isang quote tungkol sa pagapakatotoo, "Kung mahal ka niya, wala kang dapat baguhin sa sarili mo." Nag-react naman si Vice Ganda, "Nagpapakatotoo ka ba sa harap ng kamera? Kung alam lang nilang kung gaano ka kasutil!"
Dito na nagsimula ang pambubuking ni Vice tungkol sa mga 'kalokohan' ng bunso ng pamilya, na si Darren, "Kung alam lang nila na pinaso mo ng mainit na kutsara si Kim Chiu kahapon!" Kuwento ni Vice, "'Yung kutsara, 'di ba mainit? Ine-sterilize kaya mainit. Magkatabi sila kasi bestie sila, eh. Kinuha [ ni Darren 'yung kutsara], tapos [nilapat] niya sa leeg [ni Kim]. Kaya ayun, absent [si Kim], natuklap 'yung balat ni Kim Chiu."
Pahapyaw at pabiro rin na sinabi ni Vice, "Kung alam n'yo lang ginawa [ni Darren] kay Jugs [Jugueta]," pero hindi na nito ibinahagi pa ang buong kuwento at tumawa na lang.
Ipinagtanggol naman ni Darren ang sarili at sinabing "OA" lang ang kuwento ni Vice. Dagdag niya, very close lang daw talaga ang "It's Showtime" hosts kaya ganitong level ang biruan nila.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa Kapamilya Channel, GMA 7, ALLTV, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
