Binansagan na Emerald City ang Muntinlupa dahil sa ‘biodiversity’ ng lungsod. Maipagmamalaki rin ng Muntinlupa ang mga residente nito na bukod sa matitibay ang fighting spirit, nakakahawa rin ang good vibes na bitbit. Nakilala natin ang ilan sa kanila sa 'Laro Laro Pick' game arena, nitong Miyerkules, January 14 sa "It's Showtime."
Nakakuwentuhan ng hosts si Corz, ang mapagmahal na lola, na nananatiling positibo ang pananaw sa buhay sa kabila ng mapapait na karanasan. Kuwento ni Corz, dati siyang OFW sa Bahrain, pero tumakas siya dahil pinagmamalupitan ng babaeng amo. "Sinasabunutan po ako, sinasampal," sabi Corz. Sa tingin daw niya'y nagseselos ang babaeng amo kaya siya sinasaktan, "'Yung mga anak niya, malapit sa akin."
Sa kanyang "pagtakas" sa mga amo, nakilala niya ang isang tao na tumulong sa kanyang makahanap ng pansamantalang trabaho habang nag-aasikaso ng mga papeles para makauwi ng Pilipinas. Doon siya natuto at nahasa bilang balloon decorator. Ngayon ay sariling mga apo na ang inaalagaan ni Corz, kaya nag-uumapaw ang kaligayahan sa kanyang puso.
'Trip' din ni Vice Ganda na gawin ulit ang 'Not Cute Anymore' trend dahil naka-hoodie si player Andre. Marami ang nalilito kung paano ba i-perfect ang trend na 'to. Pero hindi si Meme, na updated sa mga 'ganap' ng Gen Zs. Para siguradong tama ang shot, siya na mismo ang tumayong cameraman.
Nahirapan si Vice sa bigat ng camera. Dahil dito, mas na-appreciate niya ang trabaho ng mga cameramen. At para suklian ang pagod at hirap nila, naisip niyang bigyan sila ng bonus.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa Kapamilya Channel, GMA 7, ALLTV, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
