May mga klaseng suspended dahil sa malakas na ulan pero dito sa “It’s Showtime,” walang tigil ang saya at tawanan! Kahit anong buhos ng ulan, bubuhos din ang good vibes at positivity para sa Madlang People at buong bayan.
Sulit ang araw dahil nakasama natin ang OPM band na Dilaw para magbigay ng solid na performance ng kanilang bagong awitin na "Black N’ White" LIVE. At ang pinaka-lucky na fan ay walang iba kundi si Showtime Bulilit Argus, ang number one listener nila, na may special shoutout mula sa banda.
Kasabay ng maulang panahon ang pagbuhos ng biyaya at papremyo sa "Laro Laro Pick." Ngayong araw, bumida ang mga service crew, jeepney drivers, mga mangingisda, at tattoo artists. Kasali rin sina "It's Showtime" hosts Karylle, Cianne Dominguez, Jugs Jugueta at Teddy Corpuz to represent the madlang studio audience.
Isa sa mga kinilala ng game masters si John, na sampung taon nang service crew at dahil sa kanyang sipag at tiyaga ay nakapagtapos ng kolehiyo bilang cum laude habang nagtatrabaho. Present din si Jerry, isang mangingisda mula sa Bulacan, at si Brader, isang tattoo artist na may sariling hugot sa pag-ibig. Alin nga nga ang mas masakit? 'Yung iwan ka ng jowa mo o 'yung magpa-tattoo?
Sa “Illuminate o Eliminate” round, 12 players lamang ang nakalusot matapos nilang mapili ang mga kahong may kulay green. Sa “It’s Giving” naman, nasubok ang talas ng isip at bilis ng players sa pagbibigay ng mga posisyon sa gobyerno na ibinoboto tuwing eleksyon.
Pagdating sa “You Gotta Lyric,” sabay-sabay nilang inawit ang “Estudyante Blues” ni Freddie Aguilar. Dito natanggal si Karylle. Uy, not bad for a first-time player na umabot hanggang Round 3, samantalang si Darren Espanto na ilang beses sumubok noong nakaraang linggo ay never nakalampas ng Round 1. Mukhang aabangan ng Madlang People ang pagbabalik ni Darren sa game arena.
At sa final round na "PILImination," ang mga natirang players ay pumili ng cotton candy. Isang cotton candy lang ang may nakatagong mukha ni Ryan Bang, at ang makakapili nito ay aabante sa jackpot round. Lucky stars ay nag-align para kay Prince, isang service crew.
Sa Jackpot Round, mula sa 100,000 pesos ay naging 150,000 pesos pa ang nasa "Pot" dahil sa kabutihang-loob ng isang sponsor brand. Pero mas pinili ni Prince ang sigurado, kaya’t tinanggap niya ang 40,000 pesos sa "Li-Pot."
Kung sinubukan sana niya ang POT, ang tanong ay: “Anong pangalan ang ipinalit ng kongreso sa Highway 54?” Mabuti na lamang ay hindi niya tinaya. Praktikal ang naging desisyon ni Prince kaya siya’y uuwing may dalang panalo at biyaya.
Parang bagyo kung humagupit ang lupit ng mga tinig na kumasa sa hamon ng "Tawag Ng Tanghalan Year 9."
Unang lumaban si Nica Jañola mula Cebu City, isang certified fashionista na nagbigay ng matinding energy sa kanyang rendition ng “Ain’t Nobody (Loves Me Better).” Pinuri ni hurado Dingdong Avanzado ang kanyang solid at powerful vocals.
Sumunod si Niña Osorno, na bumida naman sa kanyang bersyon ng “Orange Colored Sky.” Ayon kay hurado Nyoy Volante, impressive at enjoyable ang performance ni Niña, na nagdala ng entertainment at kulay sa entablado.
Sa KanTapatan Round, muling umangat ang boses ni Niña as she performed“If I Ain’t Got You.” Hinamon niya ang defending champion na si Jeff Decano, na ibinuhos naman ang puso sa pagkanta ng “Kailangan Kita.”
Ayon kay Punong Hurado Louie Ocampo, parehong magaling ang dalawang contenders kaya’t naging mahirap para sa mga hurado ang desisyon. Crucial pa naman ang round na ito para kay Jeff dahil isang panalo na lang ang kailangan niya upang makapasok sa TNT Koponan.
Ngunit sa huli, hindi umayon sa kanya ang kapalaran dahil na-dethrone siya ni Niña, ang bagong kampeon ng entablado.
