![]()
Hinirang bilang grand winners ng "Breaking Muse" at "Escort Mo Show Mo" sina Verna Tuliao at Daniel Butas sa ginanap na fiestacular finals noong Sabado (Agosto 16) sa "It's Showtime."
Nakakuha si Verna ng 96.2% mula sa board members matapos niyang ginulantang ang madlang people sa pag-perform niya sa ibabaw ng logo ng ABS-CBN. Hindi lang sa talent portion napabilib ni Verna ang manonood kundi pati na rin sa sagot niyang pagtanggap sa kanyang sarili at kagandahan kaya naman naiuwi niya ang titulo bilang kauna-unahang Breaking Muse grand winner.
![]()
Samantala, ang magandang mensahe ng pagbangon sa sayaw niya ang nagpapanalo kay Daniel Butas na nakakuha ng 95.6% mula sa hurados. Tulad ni Verna, nasagot niya ng maayos ang katanungan niya mula kay board member Bianca Umali na kung sino siya sa likod ng camera.
Nag-uwi nga sina Verna at Daniel ng tig-P200,000 samantala ang kani-kanilang baranggay naman ay nanalo rin ng tig-P50,000.
Bonggang finals nga ang naganap dahil na rin sa pangmalakasan finals performances ng kapwa nila contenders na sina Kramim (91%) at Mark (89%), at Joyang (92.6%) at Chuchay (90.8%).
![]()
Nagsilbing board members naman sa nasabing finals sina Max Collins, Bianca, Will, Negi, at Anthony Jennings.
Bukod sa nasabing finals, inabangan din ng madlang people ang birthday performance ng Sample King na si Jhong Hilario kasama ang anak na si Sarina Hilario.
Makisaya sa buong pamilya ng “It’s Showtime,” 12 NN mula Lunes hanggang Sabado, sa GMA, A2Z, Kapamilya Channel,Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWant. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel. Huwag din palampasin ang "Showtime Online U" sa YouTube channel ng "It's Showtime."