Hindi na kailangan pang tumama sa lotto para masabing lucky sa araw na 'to! Dahil swerte agad ang lumapit sa mga taga-San Isidro, Cainta Rizal na bumida sa Laro Laro Pick game arena sa "It's Showtime."
Lucky in love si player Julius, na hindi pa man sumasalang sa laro ay feeling winner na agad dahil sa tamis ng pag-ibig ni misis. Sa araw-araw na sipag at pagkayod bilang security guard, isang "I love you" lang mula sa asawa't mga anak ay tanggal agad ang kanyang pagod.
Wala namang mapapagod kakatawa sa mga challenges sa game arena. Sa paboritong Act-Song portion sa You Gotta Lyric round, time-out muna sa kilig scenes sina Brent Manalo at Jackie Gonzaga dahil magkapatid muna sila sa isang eksena ng family drama. Pero, teka, napasigaw ng "Cut!" si Vice Ganda nang mapansin ang blocking. Dahil nang si Lassy ay pumagitna, naging horror ang drama!
Hindi naman naging horror story ang pagsali ni Pao sa Laro Laro Pick. Dahil matapos ma-eliminate, nabunot ang pangalan niya upang maglaro sa jackpot round dahil bigo ang mga naunang players na ma-secure ang spot.
Ramdam ni Vice Ganda ang matinding pangangailangan ni Pao, isang siomai vendor na nag-iipon para sa kanyang operasyon sa mata dahil sa kondisyon na keratoconus. Ramdam din nito ang puso ng manlalaro. Kaya para bang binigyan niya ito ng lakas ng loob na sugalan ang POT question na, "Si Vice Ganda ay bumili ng damit. Matapos bawasan ng 20 percent ay naging 800 pesos na lang ang presyo. Magkano ang pesyo nito bago ang discount?"
Pigil ang hininga ng Madlang People at lahat ng nasa studio, hanggang sa isinigaw ni Pao ang sagot, "One thousand pesos!" Bumuhos ang emosyon at saya nang i-anunsyo ni Vice Ganda na tama ang sagot ni Pao at maiuuwi nito ang P350,000 POT money.
Masayang masaya rin si Vice Ganda, na humiling na sana'y bisitahin silang muli ni Pao pagkatapos ng operasyon.
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa ABS-CBN sa ALLTV2, GMA 7, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) at iWant.
