The struggle is real dahil lunod sa dami ng gawain ngayong huling Huwebes ng Agosto? Well, mahirap man, huwag na huwag mo pa rin kalimutang ngumiti upang pagod at stress kahit na papaano ay mapawi!
Sabi nga nila, sa bawat araw ay humanap tayo ng bagay—munti man o malaki—na makakapagpasaya sa atin at makakapagpagaan ng kalooban natin. And for today, hindi lang It’s Showtime fam ang naghatid ng saya at good vibes sa atin kundi pati na rin ang tambalang “BreKa”, na binubuo nina Pinoy Big Brother Celebrity Collab big winners Brent Manalo at Mika Salamanca.
May nagpapatibok man ng puso mo ngayon o wala, pihadong kinilig ka sa presence nila onstage at sa duet nila ng “Tibok” ni Earl Agustin. Kilig malala naman nang usisain sila ng hosts kung sino ang kasalukuyang nagpapasaya sa kanila. And just when we thought na ang isa’t isa ang isasagot nila, kapwa nila itinuro ang madlang people. Talaga lang, BreKa, ha?
Bukod sa pagdalaw ng BreKa, ibinalita ni Tiyang Amy Perez na may isa pang reason to smile and be grateful for ang It’s Showtime dahil pinarangalan ang programa sa katatapos lang na PMPC Star Awards for Television ng “Best Variety Show”. Samantala, ang co-host naman nila na si Kim Chiu ay kinilala bilang “Best Female TV Host”.
Sa kabila ng di inaasahang pangyayari kay Karylle, the show must go on pa rin kaya si “Ate Girl” Jackie Gonzaga na ang sumama kina Vhong at Jhong sa pagho-host ng “Laro Laro Pick”. Umpisa palang ng game ay may contestant na agad na nabiyayaan ng additional na P1,000 dahil sa galing niya sa pagsayaw.
Sa pagtatapos ng unang bahagi ng “Laro Laro Pick”, ang madlang player na si Cris ang tanging natira at may chance na mag-uwi ng P200,000 na pot money.
Siya man ang nahuli sa pagpili sa huling elimination round ng “Laro Laro Pick”, ngunit si Cris, na pump attendant sa isang gasolinahan, ang siyang naiwan para maglaro sa jackpot round.
Sa panayam sa kanya ng hosts, ibinahagi ni Cris na siya na ang naging breadwinner ng kanilang pamilya mula nang mamayapa ang kanyang ama noong siya’y 17 taong gulang pa lamang. Kaya bilang panganay, nagdesisyon siyang magparaya sa mga kapatid na magpatuloy sa kanilang pag-aaral habang siya ang magtataguyod sa kanilang pamilya.
Dahil sa kagustuhang mapaayos ang ngipin at makapagsimula ng negosyo, determinado si Cris noong una na piliin ang “POT” sa pagbabakasakaling masagot niya ang jackpot question at mapanalunan ang pa-premyong P250,000. Subalit sa bandang huli, nagpasya siyang mag-“Li-POT” na lamang at tanggapin ang P40,000 na offer nina Vhong at Tyang Amy.
At tama nga ang ginawa niyang pasya dahil bigo niyang nasagot ang tanong na “Ano ang unang aklat sa Lumang Tipan o Old Testament ng Bibliya?” kung saan ang sagot ay “Genesis”.
Hindi man naiuwi ni Cris ang tumataginting na pot money, ngunit uuwi pa rin siyang may malaking ngiti dahil nangako si Vhong na ilalapit siya sa kaibigan nilang dentista upang mapaayos ang kanyang ngipin.
Dalawang contender muli ang nagtagisan ng galing ngayong Huwebes upang mapabilib ang mga hurado na sina Bituin Escalante, Nonoy Zuñiga, at Louie Ocampo sa daily round ng Tawag ng Tanghalan.
Unang sumalang sa entablado si Marcelo Ruado mula Bongabong, Oriental Mindoro, na isang batang ama sa edad na 20. Upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya, kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral at maghanapbuhay sa pamamagitan ng pagtulong sa pagawaan ng itak ng kanyang ama, paghahakot, ng niyog at pangongopra, at pag-aani ng saging at palay.
Matapos ang kanyang heartfelt performance ng “All or Nothing” ng American pop band na O-Town, na-touch ang lahat sa kuwento niya tungkol sa kanyang buhay sa probinsya at bilang isang batang ama. Dahil dito ay napa-share din si Vhong kung paano siya nakaka-relate kay Marcelo dahil nagkaroon din siya ng anak sa edad na 19.
Hindi maitago ni hurado Nonoy ang kanyang pagkamangha sa pag-awit ni Marcelo, na pinayuhan niyang ipagpatuloy lang ang pagkanta dahil sigurado siyang malayo ang maaari niyang marating.
Sunod naman na nagpamalas ng kanyang talento si Aze Belarmino ng Las Piñas City. Siya ay isang aspiring pilot na pangarap malibot ang buong mundo at maisama ang pamilya sa kanyang magiging mga biyahe. Ngunit bago niya maisakatuparan ang ambisyong iyon, tinupad niya muna ang isa pa niyang aspiration na makalapag sa Tawag ng Tanghalan.
Impressive man ang kanyang performance ng “Diamonds Are Forever” ni Shirley Bassey, subalit hindi iyon sapat upang lubusang makuha niya ang loob ni hurado Bituin na nagsabing mas maigi kung pumili siya ng kanta na mas makaka-relate o mas makaka-konekta siya on a personal level.
Sa bandang huli, si Marcelo ang magpapatuloy sa “Kantapatan” matapos na makakuha siya ng markang 91.3%, habang si Aze naman ay nakatanggap ng 90%.
Bakas na bakas sa reaksyon ng mga hurado habang pinapanood nila ang pagka-impress sa mapusong performance ni daily winner Marcelo Ruado ng “’Wag Ka Nang Umiyak” na orihinal na awitin ng Sugarfree,
Samantala, sultry in her little red dress naman si defending champion Niña Osorno ng Davao del Sur, na sinubukang depensahan ang kanyang trono sa pamamagitan ng rendition niya ng “I Love You” ni Celine Dion.
True enough, tuwang-tuwa si punong hurado Louie Ocampo sa “really moving performance” ni Marcelo, na nagustuhan niya dahil sobrang natural, authentic, at ramdam na ramdam niya ang bawat nota. Habang ang versatility, consistency, at presence of mind as a performer naman ang nagustuhan niya kay Niña.
Tama ang naging prediksyon ng hosts na naging dikit ang laban ng dalawa dahil sa bandang huli, nakakuha si Marcelo ng 91.3% na marka habang 91% naman ang kay Niña. Sa pagkakatanghal kay Marcelo bilang bagong kampeon, nabigo si Niña hindi lamang depensahan ang kanyang titulo kundi pati na rin ang makausad sa susunod na round ng kompetisyon.
