![]()
Wagi ang stage veteran at legendary OPM icon na si Pinky Marquez na maiuwi ang P1 million jackpot prize sa pinakabagong season ng "Rainbow Rumble" matapos niya makuha ang anim na iba't ibang kulay sa "Rainbow Reveal" noong Sabado (Hulyo 19).
"I can't believe. I've never won in a contest in my life. I'd like to say thank you for the opportunity," sabi ni Pinky matapos niyang idineklera ni Luis Manzano bilang unang Rainbow Rumble master ng ikalawang season ng game show. Dagdag niya na gagamitin niya ang jackpot prize para mas matulungan pa ang dalawang eskwelahan na kanyang sinusuportahan.
Sa "Rally To The Top," nanguna siya laban sa kapwa OPM icons ngunit sinubok din siya ni Celeste Legaspi na ginamit ang kanyang atras power para pabalikin si Pinky. Ngunit naging determinado si Pinky kaya naman nauna pa rin siyang nakarating sa tri-colored tile at nanalo ng P71,000.
Hindi nagtapos ang kanyang swerte sa elimination round dahil nasagutan din niya ang tatlo sa anim na rapid fire questions kaya naman nakasungkit din siya ng isang libreng kulay sa DRM sa jackpot round. Nakuha nga niya ang anim na kulay ng may 8 segundo pa ang natitira para maiuwi ang P1 milyon jackpot prize.
Samantala nitong linggo, sinubok ng "Rainbow Rumble" ang talino,diskarte, at swerte ng ABS-CBN reporters na sina Adrian Ayalin, Ariel Rojas, Anjo Bagaoisan, Denice Dinsay, at Lyza Aquino. Si Adrian ang maswerteng nanguna sa elimination round at umabot sa Rainbow Reveal kung saan nakakuha lamang siya ng apat na kulay. Nag-uwi naman siya ng kabuuang premyo na P85,000.
Samahan ang bagong set ng rumblers sa "Rainbow Rumble" tuwing Sabado at Linggo, 6:15PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (KOL), A2Z, ALLTV at iWant.