MAYNILA -- May mga bagong rebelasyon ang aktres na si Pokwang sa pinagdaanan sa dating partner na si Lee O'Brian.
Maliban sa "micro-cheating" at negosyo, ang hindi pagpapaka-ama ni O'Brian sa kanilang anak ang dahilan ng kanyang galit.
"Nagagalit ako kasi hindi niya ako tinutulungan doon sa bata. Aminin niyo naman ang mahal-mahal na ng bilihin ngayon. Eh gusto ko mabigyan ng magandang edukasyon 'yung bata. Hindi pwedeng ako lang ito. Karapatan ng bata 'yon eh. Karapatan ng bata na makakuha siya ng kung ano ang para sa kanya. Ano ito, ginawa mo lang 'yung bata tapos wala na, ganoon-ganoon lang 'yon?" ani Pokwang sa pinakabagong vlog ng batikang showbiz reporter na si Ogie Diaz.
Comedienne Pokwang. Screen grab: YouTube/Ogie Diaz
Sa una ring pagkakataon, ibinahagi ni Pokwang ang ilan sa mga hindi magandang ginawa sa kanya ni O'Brian.
Kuwento ni Pokwang, anim na buwan siyang buntis nang mahuli niya ang pagma-micro-cheating ng dating partner sa pamamagitan ng pag-like nito sa Instagram posts ng isang babae. Aniya, hindi nagustuhan ni O'Brian ang kanyang ginawang pagsita dahilan para magalit ito.
"Natutulog ako ng hapon, nap time, bigla siyang pumasok sa kwarto, binuhusan niya ako ng tubig as in binuhusan niya ako ng tubig. Basang-basa ang kama. Pinagmumura niya ako. Para raw bini-big deal ko daw ang mga ganoon. Kasi siguro sumama ang loob niya dahil nabuking ko siya. Tapos dinuro-duro niya ako habang nakahiga ako sa kama. Ayan ha, hindi ko nilabas 'yan, ngayon lang," ani Pokwang.
Ayon kay Pokwang matapos ang ginawa ni O'Brian ay tatlong araw siyang umalis ng bahay. Bumalik lang aniya siya dahil ayaw niyang mag-alala ang kanyang panganay na anak na noon ay nasa ibang bansa.
Aniya, sa tatlong araw na lumayas siya sa sarili niyang bahay ay hindi siya hinanap ni O'Brian.
Dahil sa stress, inamin ni Pokwang na ilang beses na muntik siyang makunan.
"Tinago ko talaga. Kasi nga gusto ko masalba pa sana para sa bata. Ako nag-e-effort pa na kahit paano ay maayos pa kami. Siya pala lumalandi na. Kita ko ang mga text, nag-breakdown ako. Sabi ko 'oh my God.' Tina-try ko maayos kami, tina-try ko masalba para kay Malia, ako na lang pa ang nag-e-effort. Kasi 'yun pala talaga ang gusto niya. Siguro hinihintay niya na magalit ako at mapalayas ko siya para nga naman ako ang magmumukhang kontrabida. Pa-victim eh. Ang galing magpa-victim. Sobrang ang dami-dami kong itinago," ani Pokwang na hindi na napigilang maging emosyonal.
Ayon din kay Pokwang, hindi nagustuhan ni O'Brian na nagbuntis siya.
"Ayaw niya, kulang na lang dukutin niya 'yan. Kasi nga ayaw niya sa responsibilidad. Noong ipinakita ko sa kanya 'yung pregnancy test kit, napatayo sa kama. Akala ko matutuwa; galit na galit siya. ...Ayaw niya ang pagbubuntis ko," ani Pokwang.
"Kaya noong lumalabas na si Malia, siguro wala na lang siyang choice, minahal man niya ang bata, siguro mahal niya dahil bata. Pero 'yung ginampanan niya 'yung pagiging ama never, never. Ni hindi siya nag-effort na maayos kami ulit. Kung talagang mahal niya ang anak niya, kung mahal niya kami gagawa ng effort 'yan," ani Pokwang.
Ayon kay Pokwang, matindi ang ginawa niyang pagtatakip sa dating partner dahil nais niyang masalba pa ang kanilang relasyon para sa anak.
"Grabe lahat ng pagtatakip talaga ay ginawa ko sa kanya. Kung husgahan niyo ako. Hindi niyo pa po alam ang lahat. Marami pa kayong hindi alam. Ang nakikita niyo lang ay 'yung nangyayari sa social media, sa interview, pero behind cam hindi niyo alam kung ano ang nangyayari sa amin. Ilang beses akong muntik makunan. ...Kung hindi ko ipinaglaban si Malia na ini-injection-an ako ng pampakapit, walang Malia dahil sa stress ko sa kanya. Ipinaglaban ko lang, hindi ba? Tapos sasabihin mo mahal mo anak mo, saan banda?" ani Pokwang.
Noong Nobyembre 2021, kinumpirma ni Pokwang na wala na sila O’Brian ngunit maayos umano ang kanilang hiwalayan.
Pokwang confirms split with long-time partner Lee O’Brian
Nito lamang Abril, pinabalik na ng Bureau of Immigration si O'Brian sa Amerika matapos maghain ng petition ni Pokwang.
Pokwang’s ex Lee O’Brian deported on April 8: BI
Ani Pokwang, nakahanda siyang magsampa ng kasong Violence Against Women and Children laban kay O'Brian sakaling maisipan nitong bumalik sa Pilipinas.
Ayon pa kay Pokwang, mula nang ma-deport ito ay hindi pa rin ito nagpaparamdam sa kanyang anak.
"Noong nandito sa Pilipinas, hindi nagre-reach out lalo na noong nandoon na. Hindi nila deserve si Malia even the lola and lola, walang effort from them, so hindi nila deserve sila si Malia," ani Pokwang.
Related videos: