← Back to Home
Security guard na nakatulog, ninakawan ng baril sa Tondo

Security guard na nakatulog, ninakawan ng baril sa Tondo

Sapul sa CCTV ang pagnanakaw ng isang lalaki sa baril ng security guard sa kahabaan ng Abad Santos Avenue sa Tondo, Maynila pasado alas-5:00 ng madaling araw nitong Miyerkules, August 5.

🕒 8/5/2026, 10:46:53 PM363 wordsEN
Bea Cuadra

Bea Cuadra

Bea Cuadra is a multiplatform reporter for ABS-CBN News focusing on police and crime beat stories. A Summa Cum Laude graduate of Assumption College, she has previously worked as a news monitoring and desk officer for the Integrated News and Current Affairs Division.

#CCTV#nakaw#security guard#baril#Lalaki#Tondo#Maynila

Sapul sa CCTV ang pagnanakaw ng isang lalaki sa baril ng security guard sa kahabaan ng Abad Santos Avenue sa Tondo, Maynila pasado alas-5:00 ng madaling araw nitong Miyerkules, August 5.

Sa kuha ng CCTV, kitang lumusot sa ilalim ng nakaharang na tali ang suspek at umakyat sa hagdan.

Sa isa pang anggulo, nakalapit na ito sa biktima na nasa sa isang sulok na tila may inaabot habang panay ang silip sa kalsada hanggang sa kinapa at nadukot ang service firearm ng gwardya.

Agad na tumakbo ang suspek nang mahablot ang baril, dahilan upang magising at habulin ito ng biktima.

"Nung pagkakuha sa kanya, naalimpungatan siya and then hinabol niya ngayon 'yung suspect," pahayag ni PLt. Col. Luke Palma Ventura, Station Commander ng Abad Santos Police Station.

Pero napilitang umanong huminto ang gwardya nang tumalon ang suspek sa center island.

"Hanggang sa nagkaroon sila ng habulan, e nung tumalon sa center island yung suspect natin, hindi niya na sinundan kasi baka gamitin sa kanya yung firearm," sabi ni PLt. Col. Ventura.

“Based naman sa interview ko sa victim natin, maliban na night duty siya, pag umuwi siya sa umaga, 7 to 7 yung duty niya.

Pag umuwi siya sa umaga, nag-aalaga pa siya ng anak niya… So, parang pag nag-duty pa siya sa gabi, medyo pagod siya,” dagdag pa niya.

Dahil dito, nanawagan ang pamunuan ng istasyon sa mga security guard na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang katawan bago magtrabaho.

"Unang-una doon sa security guard, kasi ang firearm is kasama sa trabaho yan, una-una yan ang pinakaingatan natin dapat na protektahan," paalala ni PLt. Col. Ventura. "-So as much as possible is safe yan sa katawan natin at naka-holster yan... kung nasa proper holster o lagayan, siguro by the time na kinuha yung baril medyo nakapag-react na siya baka nagising na siya."

Ayon pa sa hepe may natukoy na silang person of interest sa tulong ng mga CCTV footage.

"Tuloy-tuloy na yung follow-up natin sa complaint na ito. So, ang inaano natin dito yung makuha natin, especially yung firearm kasi mahirap nun baka magamit pa sa illegal na aktibidad yung baril na nakuha," aniya.

Patuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa suspek.

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.
Security guard na nakatulog, ninakawan ng baril sa Tondo | Cheezmis