Isang doktora ang umano’y nabiktima ng “love scam” na isinagawa mismo ng kanyang assistant gamit ang isang dummy Facebook account at magpanggap na isang lalaki upang makuha ang kanyang tiwala at pagmamahal. Courtesy: NBI Human Trafficking Division via Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
MAYNILA — Isang doktora ang umano’y nabiktima ng “love scam” na isinagawa mismo ng kanyang assistant gamit ang isang dummy Facebook account at nagpanggap na isang lalaki upang makuha ang kanyang tiwala at pagmamahal.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), umabot sa halos kalahating milyong piso ang naipadala ng biktima sa suspek matapos itong paulit-ulit na magdahilan na may pinansyal na problema at nangangailangan ng tulong.
Ayon kay Supervising agent na si Rosalie Laguardia, hepe ng NBI Human Trafficking Division, ang kaso ay nagpapakita na ang mga modus na dating iniuugnay sa mga POGO at scam hubs ay ginagawa na rin ng mga indibidwal.
“Kasong ito ay isang best example ng love scam. Previously, napapanood lang natin ito sa mga POGO hub o scam hub na na-operate natin. Pero ngayon, napatunayan natin na ginagawa na rin itong modus na ito ng isang ordinaryong tao,” ayon kay Laguardia.
Sinabi rin ng NBI na sinamantala umano ng suspek ang pinagdadaanan ng biktima, na noo’y dumaranas ng depresyon.
“Considering na nakuha na nga niya ang loob nitong complainant, nakumbinsi niya itong magpadala ng pera. During that time kasi may depression ang complainant. Iyon ang tinake advantage ng subject natin,” dagdag ni Laguardia.
DUMMY ACCOUNT
Nabunyag lamang ang panloloko nang ipakita ng doktora sa isang kaibigan ang larawan ng lalaking nasa dummy account.
Nakilala ito ng kaibigan at nang makontak ang tunay na nasa larawan, napatunayang peke ang Facebook account at walang kinalaman ang lalaki sa panlilinlang.
“Tinawagan nila itong lalaking nasa larawan at doon nila napatunayan na peke ang account sa Facebook,” ayon kay Laguardia.
Sa imbestigasyon ng NBI, na-trace ang dummy account sa mismong assistant ng biktima.
Noong Hulyo 24, nagsagawa ang NBI ng entrapment operation kasabay ng pagpapatupad ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data.
“Naaktuhan natin na ginagamit ng subject ang dummy account habang nakikipag-usap siya sa complainant. During the entrapment operation, dumating ang totoong nasa dummy account. Doon napatunayan ng complainant na talagang niloloko lang siya ng subject,” ani Laguardia.
'TINULUNGAN' ANG DEPRESYON?
Hindi itinanggi ng suspek ang ginawa, pero ang depensa nya, tinulungan lang niya ang doktora na mawala ang depression nito.
Nahaharap na ngayon ang suspek sa mga kasong may kaugnayan sa online fraud at paggamit ng dummy account.
Nagbabala naman ang NBI sa publiko na maging mapanuri sa mga nakikilala sa social media at huwag basta magpadala ng pera sa mga taong nakikilala lamang online, kahit pa nakabuo na ng tiwala o romantikong relasyon.
KAUGNAY NA VIDEO
