← Back to Home
'My Puhunan: Kaya Mo!': Pokwang nagpapatawa lang noon, nangbubusog na rin ngayon sa negosyo niyang bottled gourmet products

'My Puhunan: Kaya Mo!': Pokwang nagpapatawa lang noon, nangbubusog na rin ngayon sa negosyo niyang bottled gourmet products

Alamin ang kuwento sa likod ng bottled gourmet business ng aktres at komedyante na si Pokwang.

🕒 7/27/2025, 5:30:15 PM347 wordsEN

ABS-CBN News

#My Puhunan#My Puhunan: Kaya Mo!#Karen Davila#Negosyo#Business#Pokwang#Antipolo City


Nakilala si Pokwang bilang isa sa pinakamasayahing mukha sa showbiz pero sa panahon ngayon, hindi na lang siya nagpapatawa kundi nangbubusog na rin siya ng maraming Pilipino.

Kilala na siya ngayon sa pagbebenta ng iba't ibang gourmet products, negosyong nagsimula sa tanong na, “Paano ba makakabangon kung wala na ang trabaho?" 

Nang mawalan siya ng kabuhayan noong kasagsagan ng pandemya at ang pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN, pinili ni Pokwang na huwag basta sumuko. Sa halip, ginamit niya ang hilig sa pagluluto bilang puhunan.

"Sabi ko, ang lungkot ng buhay, hindi puwedeng ganito. Since mahilig akong magluto, sabi ng mga kaibigan ko, 'Bakit hindi mo i-negosyo 'yang laing mo?" pagbabahagi niya kay Migs Bustos para sa programang "My Puhunan: Kaya Mo!".

Gamit ang ₱10,000 puhunan, ang dating simpleng lutong-bahay ay lumago at nag-evolve—mula aligue, laing, tuyo, tinapa, hanggang roasted chicken na ginagawa niya sa kaniyang tahanan sa Antipolo City

Katuwang ni Pokwang sa negosyo ang partner niya noon pero nang sila ay maghiwalay, pinili niya munang huminto at mag-rebrand.

Ngayong may bagong mukha, produkto, at misyon ang kaniyang negosyo, hindi na lamang ito basta ordinaryong kabuhayan lang. Sa kasalukuyan, walo hanggang sampung tao na ang kaniyang empleyado kung saan karamihan sa mga ito ay mga gaya niyang single parent.

"Priority ko bigyan ng trabaho 'yung mga kapwa ko single parents—hindi lang babae, puwede kayong lalaki, puwede kayong LGBTQ. Basta single parent,” ani Pokwang.

Sa kaniyang kusina, makikita ang sipag at tiyaga mula sa pagkuha ng mga alamang mula Navotas hanggang sa maingat na paghuhugas, paglalagay sa bote, at vacuum sealing. Lahat ng ito ay personal na tinututukan ni Pokwang katuwang ang higit 15 taon na niyang katiwala.

Para sa kaniya, hindi lang ito basta negosyo. Isa itong simbolo ng pagsisimulang muli ng pagbangon mula sa pagkatalo. Mula sa pagpapatawa sa telebisyon, ngayon ay pinapaikot niya ang mundo ng marami sa bawat bote ng gourmet goodness -mula sa puso, mula sa kusina, mula kay Mamang Pokwang.

Ma-inspire sa kaniyang pagsusumikap bilang isang single mom dito lang sa "My Puhunan: Kaya Mo!" kasama si Migs Bustos.


KAUGNAY NA ULAT:


Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.