← Back to Home
‘My Puhunan: Kaya Mo!’: Mark Herras naninibago sa pagiging negosyante

‘My Puhunan: Kaya Mo!’: Mark Herras naninibago sa pagiging negosyante

Certified boss na ng sarili niyang meat shop business ang aktor at dancer na si Mark Herras.

🕒 10/8/2025, 10:33:50 AM356 wordsEN

Sherwin Tinampay

#My Puhunan#My Puhunan: Kaya Mo!#Karen Davila#Mark Herras#DTI#Asenso Pilipino#Negosyo#Business#Pera


Nagpapatakbo na ng sarili niyang meat shop business ang aktor at dancer na si Mark Herras.

Iba’t ibang klase ng karne ng baboy, baka, at manok ang mabibili sa kaniyang puwesto.

Bago lang nang pasukin niya ang franchising kung kaya’t aminado siya na patuloy pa rin ang pag-aaral na ginagawa niya dito.

Sa naging panayam sa kaniya ni Karen Davila para sa programang “My Puhunan: Kaya Mo!”, ibinahagi niya ang kaibahan ng showbiz kung saan dalawang dekada niyang pinasok at ang pagiging boss ng sarili niyang negosyo.

“Bago po lahat sa akin. Like parang marami pa akong inaalam sa mga bagay-bagay. Twenty years ‘yung binigay ko sa showbiz. This is my first major business talaga. I'm very excited at natutuwa ako kasi it's very different from showbiz,” kuwento niya.

Ilang taon na ring walang acting projects si Mark.

Ngayong may sarili na siyang pamilya, malaki ang responsibilidad niya na matustusan ang pangangailangan nila lalo na ng anak na nag-aaral.

Desidido siya na unti-unting magtagumpay sa pagnenegosyo ng mga karne.

“Mahalaga sa akin kasi ito (negosyo) ‘yung bumubuhay sa pamilya ko. Ako kasi, kumbaga, ang target ko sa buhay is to provide, to be the provider of my family. So, medyo hindi ganu’n sini-suwerte sa showbiz so hindi ako puwedeng magpahinga or mag-relax kasi may binubuhay akong pamilya,” paglalahad ni Mark.

Sa mga first-time negosyante gaya ni Mark, may programa ang Department of Industry (DTI) para magkaroon sila ng maayos na kaalaman sa pagpapatakbo ng kanilang sinimulang negosyo.

Mayroon silang mentoring at coaching program sa ilalim ng Kapatid Mentor ME (KMME).

“Ten-point module ‘yun na matutulungan siya kasi ang speaker nu’n, ang mentor nu’n ay industry leaders. So sila ay meron na silang business. Masha-share nila doon paano ang taxation tapos entrepreneur mindsetting. So, in all likelihood, yung questions niya masasagot naman doon ni mentor,” paliwanag ni Ricel Carbinilla, senior trade and industry development specialist ng DTI Bureau of SME Development.

Alamin ang iba pang mga karanasan ni Mark Herras bilang first time negosyante at ang mentorship program ng DTI na makatutulong sa mga katulad niya dito lang sa “My Puhunan: Kaya Mo!” kasama si Karen Davila.



Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.