Si Darren Espanto, representeng madlang player Charlie, ang unang 'Laro Laro Pick' jackpot ngayong 2026! Lahat ay pumaldo, as in pumaldo sa tawanan, good vibes at papremyo nitong Huwebes, January 8, sa "It's Showtime."
Sa 'Laro Laro Pick' segment, kasintibay ng kanilang ipinagmamalaking produktong mga sapatos ang lakas ng loob na ipinakita ng madlang Marikina residents. Nakilaro rin sina "It's Showtime" hosts Darren Espanto, Ion Perez, Teddy Corpuz at MC. Kung isa sa kanila ang magsu-survive hanggang dulo, bubunot ng madlang player na kakatawanin nila sa jackpot round.
Running joke sa "It's Showtime" family ang 'kamalasan' ni Darren sa segment dahil bihira itong tumagal sa game arena. Kung minsan ay 'ligwak' agad ang Gen Z bestie ng bayan sa unang round pa lang na 'Illuminate or Eliminate.'
Pero ngayong 2026, gumanda na ang kapalaran ni Darren sa game arena. Marahil na-attract niya ang swerte dahil sa ipinakita niyang positive energy. Sa 'You Gotta Lyric' pa lang, kinaaliwan na agad siya ni Vice Ganda dahil sa 'pakulot' niyang pagkanta ng missing lyric.
Hanggang si Darren ang umabante sa jackpot round, matapos niyang mapili ang 'lucky bulb' sa PILImination.
Katulad ng nabanggit sa simula ng segment, bumunot si Darren ng isang eliminated player na kanyang ire-represent. Ang laban niya ay para kay Charlie, isang delivery rider na may tatlong anak. Kung makukuha raw ni Darren ang jackPOT money na P200k para sa kanya, unang paglalaanan ni Charlie ang pagpapagamot sa sakit niya sa puso.
"The higher the risk, the greater the reward," sabi ni Darren, na sinunod ang gusto ni Charlie at misis nito na piliin ang POT kapalit ng P20,000 Li-Pot offer. Kaya matapang na hinarap ni Darren ang tanong na, “Sa sikat na jumpman logo na kadalasan nakikita natin sa mga sapatos, aling kamay ni Michael Jordan ang nakataas?" Ang sagot ni Darren, "Kaliwa."
Dahil tama ang kanyang sagot, nakuha ni Darren ang P200,000 jackPOT money para kay Charlie. Marami na rin ang sumubok pero si Darren pa lang ang kauna-unahang "It's Showtime" host na nasagot nang tama ang Pot question mula nang ma-launch ang 'Laro Laro Pick' noong August 2025.
Emosyonal na nagpasalamat si Charlie kay Darren sa malaking biyaya na ipinasa nito sa kanya, "'Yung mga iniisip kong problema lahat 'yon mawawala."
Good vibes at pag-asa ang hatid ng “It’s Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN, sa Kapamilya Channel, GMA 7, ALLTV, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) and iWant.
