The studio is in session! Hindi ito 'yung session na may imbestigasyon, kundi session na puro tawanan at kulitan. Sino ang hahatulang guilty, as in guilty sa pagpapalaganap ng kasiyahan sa buong bayan?
At heto pa ang session na magugustuhan n'yo! Chill kantahan kasama ang mga Sessionistas na sina Nyoy Volante, Sitti at Princess Velasco. At dahil magkakaroon ng repeat ang Sessionistas concert, parang may gustong mag-audition, ayun na nga nag-sample pa si Jackie Gonzaga ng kantahang bossa nova, ‘yun nga lang parang ibang version.
Sa ating mga tahanan, bukod siguro kina Nanay at Tatay, hero rin natin ang mababait na kasambahay. Kaya ngayong Biyernes, sila naman ang bida sa Laro Laro Pick game arena, handang magpakitang gilas at handang sumubok sa POT money na P100,000!
Nakipagkulitan sina Vice Ganda, Jhong Hilario, at Vhong Navarro sa mga "angels" sa studio. Kinilala nila si Dhaiwil, na agaw-pansin ang turtle neck fashion ngayong day off niya. Aliw si Meme dahil paminsan-minsan, deserve din ng ating mga angels na rumampa at magpaganda. Si Dhaiwil ay naging domestic helper sa Middle East, at nagpapasalamat siya na mabait ang naging mga amo niya. Hanggang sa bumalik siya sa Pinas at dito ipinagpatuloy ang trabaho bilang kasambahay.
Isa ang pamilya ni Dhaiwil sa mga hinagupit ng Bagyong Yolanda noong 2013, pero mula sa malupit na sakunang 'yon ay nagawa niyang bumangon. Nakapagpundar na siya ng sariling bahay at nakapagpatapos ng anak sa kolehiyo, katuwang ang mister na mangingisda. Kaya naman bumilib si Meme, kahit pa 'naloka' siya nang slight sa paulit-ulit na pag-"Sir" ni Mommy Dhaiwil.
Kinaaliwan din ni Meme si Joteng na siya raw ang idol. Hirit ni Meme, minsan ang mga ganyang linyahan ay parang budol. Sasabihin na siya'y idol pero babati lang pala sa mga kamag-anak. At bumati pa nga sa boss na si Macario! Kaya biro ni Meme Vice, baka inaawrahan ni Joteng ang amo niya!
Game time! Ang mga kasambahay na bisita, umaasang dadapuan ng swerte sa Illuminate or Eliminate, pero 12 players lang ang pwedeng umabante sa next round na It's Giving, kung saan ang category ay mga pagkaing masarap kainin tuwing umuulan ayon sa isang website. Sa You Gotta Lyric, napa-throwback sing-along ang everyone featuring "Miss Na Miss Kita" ng Father and Sons.
Si Meme talaga ang lucky charm ni Dhaiwil, na nakakuha ng smiley face sa PILImination round. Siya ang umabante sa final game.
Jackpot time na para kay Dhaiwil, na todo kayod bilang kasambahay at may simpleng pangarap na makabili ng sariling bangka para sa asawang mangingisda. Sa una’y matapang niyang pinili ang POT question para sa P100,000, pero nang umabot sa P30,000 ang alok sa Li-Pot, mas pinili niyang maging praktikal. Sabi nga, huwag nang tanggihan ang malaking tulong. Sa Li-Pot, siguradong may maiuuwi siyang biyaya.
Tama ang naging desisyon ni Dhaiwil dahil nang basahin ni Vice Ganda ang tanong na, “Anong taon ka ipinanganak kung nagdiriwang ka ng iyong 67th birthday ngayong araw?” na-mental block si Ate, at mali ang naging hula.
Kaya congrats pa rin kay Dhaiwil dahil P30,000 ang kanyang iuuwi, dagdag pondo para sa pinapangarap na bangka.
The "Tawag Ng Tahalan Year 9" stage is also in session, as in kantahan session. Tatlong mang-aawit ang nagsalpukan kaya't mataas ang tensyon.
Si Christina Tandogon ng Valenzuela City ang unang bumirit ng “Still Loving You.” Para kay hurado Marco Sison, perfect ang song choice, malinaw ang bawat bigkas ng lyrics, at tama ang bagsak ng tono. Hirit naman ni Vice Ganda, madalas niyang naririnig ang kantang ito sa mga Big Night, na never pa raw napuntahan ni Karylle. Kaya nag-voluteer si Meme; siya na raw ang bahalang magdala sa kaibigan.
Sumunod si Pauline Santiago ng Batangas na kumanta ng Lady Gaga hit na “Born This Way.” Pagkatapos ng performance, kinausap siya ni Meme tungkol sa tampuhan nila ng ama na dahil sa pagkakaroon niya ng kasintahan. Komento naman ni Erik Santos sa performance, maganda ang raspiness ng boses ni Pauline, pero sa gitna ng pagkanta, biglang nawala ang confidence niya matapos mabilangan ni Punong Hurado Ogie Alcasid.
Huling sumalang si Jade Aban mula Misamis Oriental na nagbigay ng classic feels sa “Making Love Out of Nothing at All” ng Air Supply.
Sa Kantapatan Round, muling umariba si Christina, singing “Ang Buhay Ko” ng Asin, habang ang naka-face off niya na si Jade ay nagpakilig sa kantang “Faithfully.” Nang i-announce na panalo si Jade, um-exit agad si Christina, kaya laking gulat niya nang pabalikin siya—tie pala ang resulta! Ngayong araw, dalawa ang kampeon!
