← Back to Home
Vice Ganda, hindi napaghandaan ang ginawa nina Vhong at Jhong | It’s Showtime

Vice Ganda, hindi napaghandaan ang ginawa nina Vhong at Jhong | It’s Showtime

Fun and entertainment like no other for the Madlang People on It’s Showtime

🕒 8/4/2025, 5:01:32 AM718 wordsEN

ABS-CBN Studios

#Vice Jhong Vhong Showtime#Vice Jhong Vhong Physical hosting#Its Showtime#Showtime#Vice Ganda#Vhong Navarro#Anne Curtis#Jhong Hilario#Kim Chiu#Ogie Alcasid#Karylle#Darren Espanto#Amy Perez#Jugs Jugueta#Teddy Corpuz#Ion Perez#Jackie Gonzaga#Cianne Dominguez

Nakagala ba ang lahat noong Sabado at Linggo? Ano man ang sagot mo sa katanungang ito, hangad namin na sana ay naging maganda ang weekend mo at maging mabuti sa’yo ang unang linggo ng Agosto!

Whether or not nakagala ka nitong nakaraang weekend, ipinangako ng It’s Showtime family na isasama ang lahat sa biyaheng punong-puno ng “fun, fun, fun” this week, starting with today’s episode.

Dalawang celebrity teams na binubuo ng tatlong miyembro muli ang nakisaya at nakipagkulitan sa “MASA-sagot Mo Ba?” segment—ang “Team Viva Hot Babes” na kinabibilangan nina Maui Taylor, Jaycee Parker, at Zara Lopez at ang “Team Miss Q & A” Anna Patricia Lorenzo, Karen Montecillo, at Matrica “Matmat” Centino.

Sa pagtatapos ng segment, ang “Team Miss Q & A” ang nanaig at naglaro sa jackpot round, kung saan sila ang pinakaunang naka-perfect score mula nang i-launch ang larong ito noong Hulyo at nag-uwi ng kabuuang premyo na P70,000.

Okay na okay talaga ang Monday dahil sa pambihirang pagbisita ni Kapamilya heartthrob at “It’s Okay To Not Be Okay” star Joshua Garcia na bumati sa lahat ng “happy day”! Nakasama niya sa panel of board members ang mga naggagandahan at naggagalingang aktres na sina Iyah Mina at Max Collins, na naghatid din ng kakaibang entertainment sa lahat.

Dalawang nagguguwapuhang kalalakihan muli ang nagpamalas hindi lamang ng kanilang tikas, kundi pati na rin ng kanilang talino at talento sa “Escort Mo, Show Mo”. Si John Michael Baterna, a.k.a. Ongkoy, pinakilala ang sarili niya bilang ang “Lee Min Ho” ng Brgy. Plaza Aldea, Tanay, Rizal, habang si Richard Libario, a.k.a. Chabo, naman umano ang “Joshua Garcia” ng Brgy. San Fernando, Malvar, Batangas.

Muling napasabak si Ate Girl Jackie Gonzaga sa on-the-spot aktingan kasama si Ongkoy, na pinagkamalan pa nga siyang si Kim Chiu! Well, parehas silang maputi, chinita, matangkad, maganda, at mahaba ang buhok kaya di rin talaga natin siya masisisi. Habang isang nakakakilig at nakakatawang harana naman ang inialay ni Chabo kay Jackie na kinaaliwan naman ng lahat.

Samantala, hindi naman napigilan ni Baby Doll-referee Juby na mapa-open up tungkol sa kanyang problema sa pag-ibig nang pansinin ni Vice Ganda ang di niya pag-react matapos humampas ang pito sa mukha niya habang nagsasayaw. Dahil dito, inihingi ni Vice ng love advice si Baby Doll Juby kay board member Joshua, na noong una ay nahiya pa at napatanong kung bakit biglang napunta sa kanya. Sa huli, pinayuhan niya si Baby Doll Juby na, “It’s okay to not be okay.”

Matapos nila tayong pakiligin sa kanilang karisma, kakulitan, at katalinuhan sa unang bahagi ng “Escort Mo, Show Mo” segment, nagpakitang-gilas naman sina Ongkoy at Chabo. Hinarana ni Ongkoy ang lahat sa kanyang rendisyon ng “She Will Be Loved” ng Maroon 5, habang kinagiliwan naman ng tanan ang dance number ni Chabo.

Sa bandang huli, si Chabo ang itinanghal na “Escort of the Day” matapos na makakuha ng 95% na grado mula sa kapita-pitagang board members, habang si Ongkoy naman ay nakakuha lamang ng 91%.

Tatlong mahuhusay na mang-aawit mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao naman ang nagtagisan ng husay sa pag-awit sa Tawag ng Tanghalan upang mapabilib ang hurados for the day na sina Darren Espanto, Erik Santos, at punong hurado Ogie Alcasid.

Unang sumalang sa entablado si Analyn Pialan ng La Castellana, Negros Occidental, na pinili ang “Salamat” ni Yeng Constantino bilang kanyang piyesa. Sinundan siya ni Harvey Masilungan ng Atimonan, Quezon Province na kinanta ang “Istorya” ng The Juans, at ang panghuli ay si Lovelyn Dela Peña ng Malaybalay City, Bukidnon na nagpamanghan sa kanyang rendisyon ng “Bridge Over Troubled Water” ng Simon & Garfunkel.

Si hurado Erik, nagandahan daw sa buga ng boses ni Analyn dahil napaka-powerful at strong nito para sa kanya. Si hurado Darren naman, sinabing soothing ang boses ni Harvey at parang inihehele ang mga nakikinig. Si hurado Ogie, tinamaan umano sa pag-awit ni Lovelyn at sinabing tamang-tama ‘yong timpla ng pwersa, kontrol, at pagtitimpi.

Sa pagtatapos ng Tawag ng Tanghalan episode ngayong araw, sina Analyn at Lovelyn ang napili ng mga hurado na umusad sa “Kantapatan” na gaganapin bukas. Si Lovelyn ang nakakuha ng pinakamataas na marka na 94.7%, habang si Analyn ay binigyan ng iskor na 87.3%. Samantala, ang kanilang katunggali naman na si Harvey Masilungan ng Atimonan, Quezon Province ay nagkamit ng 84% para sa kanyang pagkanta ng “Istorya” ng The Juans.

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.