It’s a happy Monday kaya ilabas ang ngiti para ma-attract ang positivity! Kasabay ng pag-inom na paborito mong kap, maki-join sa kulitan ng “It’s Showtime” family para mas tumaas ang energy.
Dito, nag-uumapaw ang tawanan—aircon humor o kanal humor ka man. Simulan ang bardagulan sa “MASAsagot Mo Ba” with our first squad, Kira Balinger, Josh Ford, at Ashley Ortega, aka Team Aircon. Super fun ang puksaan ng former “PBB Collab” housemates versus Team Kanal nina content creators Christian Antolin, Pipay at Kevin Montillano.
Nahirapan man sa ilang katanungan, hindi sumuko ang players na puro palaban. Eh, si Josh, napalaban din! Hindi lang sa mga tanong kundi sa isang showdown with Mr. Suave himself, Vhong Navarro, at sinabi pa niyang dream come true na maka-collab ang kanyang idolo.
Natuloy rin sa wakas ang naudlot na tapatan ng dalawang escorts na pambato ng kani-kanilang barangay sa paguwapuhan. Pinaghandaan nina Robell ng Brgy. Sto Domingo, Cainta Rizal at Wilbert ng Brgy. Banaba, San Mateo, ang face-off nila sa ‘Escort Mo Show Mo.”
Star-studded ang talent ni Robell na sinamahan nina Super Tekla, Boy Abunda at Taylor Lautner, pero ‘yong KalokaLike versions lang muna. Nasorpresa rin ang lahat sa talent ni Wilbert, na kinalbo ang sarili on the spot! At si guest co-host, ex-“PBB Collab” housemate Bianca De Vera pa ang tumapos. Hirit ni Jhong Hilario, baka raw may comment si Bianca tungkol kay Wil, as in Wilbert. Eh, kung papiliin siya sa dalawang escorts, sino ang pupusuan niya?
Diretso sa “Baranggan” ang papogian. Ang topic sa debate: “Sino ang mas matapang? ‘Yong naghamon o ‘yong kumasa sa hamon?”
Kumasa rin sina Jameson Blake, Rufa Mae Quinto at Ashley Ortega sa hamon na umupo bilang Board Members sa araw na ‘to. Tinamaan ‘ata si Board Member Rufa Mae sa lakas ng dating nina Robell at Wilbert, at nalito pa nga’t napaisip kung nagkatrabaho na ba sila ni Bianca. Mukhang papasang tandem ang dalawa!
Hahaplos sa’yong puso at ma-e-entertain ka nang husto sa performances ng “Tawag Ng Tanghalan” Year 9 contenders.
Ang raketero ng Cavite, si Julius Caboboy, sa TNT stage muna ang tuloy. Pagkanta niya ng “Ikaw Lamang,” nakatanggap ng magandang komento mula kay hurado Darren Espanto, pero payo nito, mas i-showcase ang emosyon at high register.
Mula rin sa bayan ng matatapang ang Grade 11 student na si Ermel Gamul. Boses niya’y dadalhin ka sa buwan habang kanyang inaawit ang “Fly Me To The Moon.” Nagustuhan ni hurado Bituin Escalante kung paano nag-enjoy si Ermel sa kanyang pagtatanghal.
Si Ermel ang umbante sa KanTapatan round, with his touching rendition of “Hiling.” Hindi rin sinayang ni defending champion Noielle Rodriguez ang pagkakataon na ilabas ang full vocal prowess with her piece, “Oscar Winning Tears.”
Walang tears na umuwi si Noielle dahil siya ang panalo sa KanTapatan at pasok na sa ikalawang koponan.
