← Back to Home
Bumuhos ang luha at papremyo! Higit P2 milyon ipinamahagi ng “It’s Showtime” sa mga biktima ng kalamidad

Bumuhos ang luha at papremyo! Higit P2 milyon ipinamahagi ng “It’s Showtime” sa mga biktima ng kalamidad

Bumuhos ang luha sa "It's Showtime" studio nang itampok sa programa ang mga kuwento ng calamity victims mula Cebu at Negros Occidental.

🕒 12/4/2025, 9:26:30 AM1221 wordsEN

Liezel Dela Cruz

#It's Showtime#Showtime#Showtime 16 years#Showtime anniversary#It's Showtime Laro Laro Pick#Laro Laro Pick#Laro Laro Pick 1 Million#Laro Laro Pick Luna#MagPASKOsikat#Vice Ganda#Anne Curtis#Vhong Navarro#Jhong Hilario#Karylle It's Showtime#Karylle

Sa ika-apat na araw ng MagPASKOsikat weeklong anniversary special ng "It's Showtime," bumuhos ang luha, malasakit at pag-asa. Sa December 4 episode, inimbitahan sa Laro Laro Pick segment ang ilang kababayan nating lubos na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad sa Cebu at Negros Occidental. At sa kanilang pagdating sa game arena, ibinahagi nila ang mga sugat na iniwan ng unos.  

Hindi napigilan ng madlang people sa studio at maging ng netizens ang mapaiyak sa kuwento ni player Luna, mula sa Cebu at isa sa libo-libong tinamaan ng Bagyong Tino nitong Nobyembre. Ayon kay Luna, hindi na bago ang baha sa kanilang lugar, pero hindi sa ganitong bilis at ganitong tindi. Karaniwang abot-tuhod lang ang pinakamataas na baha sa kanila, pero sa hagupit ng Bagyong Tino, isang iglap lang ay umabot na hanggang baywang ang tubig.  

Kasama ni Luna noon ang dalawang anak (tatlong taong gulang ang isa, tatlong buwan naman ang isa pa) at ang biyenang babae, habang ang mister niya ay isang linggo pa lamang sa trabaho sa barko. Kasama rin nila nang mga oras na ‘yon ang ilang kapitbahay, kabilang ang ilang batang nakiakyat na rin sa kanilang bubong para hindi tangayin ng rumaragasang baha. Hanggang sa umabot na sa kisame ang tubig, napadasal na lang si Luna habang naghihintay ng rescue, “Lord, huwag namang hanggang dito na lang ang buhay namin. Sana maligtas kami.”

Matapos ang halos tatlumpung minuto ng paghihintay, kumilos ang grupo para gumawa ng paraan. Isang lubid ang ginamit nilang tulay papunta sa kabilang bahay. Naitawid ang panganay ni Luna. Ang sanggol naman, nilagay niya sa isang bag na ikinabit niya sa kanyang katawan. Pero sa gitna ng kanilang paglipat, tuluyang nabuwal ang bahay nina Luna.  

"Nawalan po ako ng malay kasi may dumagan sa likod ko," kuwento ni Luna. "Tapos paggising ko wala na po 'yung three-month-old [na anak ko]. Habang nalulunod ako, nawala na po 'yung bag na nakalagay sa katawan ko," pagbabahagi ni Luna. At habang nalulunod siya, hindi na rin niya namalayan na nalunod na rin pala ang panganay niyang anak. Kumapit si Luna sa kahit anong abot ng kamay hanggang sa tumama ang katawan niya sa isang puno. Sa lakas ng "impact," nawalan siyang muli ng malay. "Parang may gumising sa akin na, 'Kailangan mong mabuhay.'" Pagbalik ng malay niya, may isang taong nagmagandang loob at itinuro sa kanya ang direksiyon ng lubid na maaaring kapitan. "Humawak ako sa lubid habang rumaragasa ang tubig tapos iyak ako nang iyak, sabi ko, 'Nasaan na kayo mga anak?' Sigaw ako nang sigaw ng pangalan nila."

May nagkuwento na lang sa kanya na matapos ang pagkakabuwal ng kanilang bahay ay natumba rin ang konkretong istrukturang kinatatayuan noon ng panganay niyang anak. Katulad ng dalawang batang anak ni Luna na inanod ng baha, nawalan din ng buhay ang biyenan niya.  



Sa ngayon, ang lakas ni Luna ay hinuhugot niya sa mister na pansamantalang pinayagang umuwi mula sa trabaho dahil sa sinapit ng kanilang pamilya. Hindi alam ni Luna kung paano pa tatayo mula sa trahedyang ito. Pero sa gitna ng sakit, ang tanging dasal niya ay maging malakas silang mag-asawa. Dahil kung hindi sila kakapit sa isa’t isa, baka sila rin ay matangay ng lungkot.

Matapos ang pagbabahagi ni Luna, umasa si Vice na hindi lamang puso ang tatamaan ng kuwento niya kundi pati konsensya ng mga dapat managot. Aniya, ang kuwento ni Luna ay magmulat sana sa mata ng mga Pilipino. "Ito po 'yung istorya ng kawawang Pilipino na nanakawan at hinayaang magdusa sa mga ganitong pagkakataon ng delubyo, ng kalamidad. Hindi lang si Luna ang nakaransan niyan, napakarami," sabi ni Vice.

Pagpapatuloy niya, "Kaya sana 'yung kuwento ni Luna ay hindi makalimutan. Ikinukuwento niya ito para maipaalala, para mapanood ng mga dapat makanood at makarating sa mga dapat paratingan. Sana maisip ito araw-araw ng mga politiko. Sana mapanaginipan ninyo ito. Hanggang sa paggising n'yo, sana itong kuwento ni Luna ay maalala ninyo."

Nanawagan din si Vice para sa hustisya. "Mayroong may kasalanan kung bakit nangyari ito sa inyo," sabi ni Vice sa mga biktima. "Ang ulan at bagyo, pangkaraniwang nangyayari 'yan pero 'yung ninakawan kayo ng pangprotekta sa inyo, hindi 'yan pangkaraniwan at dapat may managot no'n."  

Dagdag ni Vice, "Hanggang ngayon nagdudusa pa rin sila kahit wala ng ulan. Bago sila matulog, nararamdaman pa rin nila at naririnig pa rin nila 'yung ulan sa bubong. Hindi nila 'to makakalimutan agad. Kaya tayo na wala sa sitwasyon nila, huwag din natin silang makalimutan agad. Ipaglaban natin sila."  

At sa huli, direkta ang kanyang naging panawagan. "Nananawagan kami sa pamahalaan, bigyan n'yo naman ng hustisya ang mga taong ito, utang na loob, kung may konsensya pa kayo.



Sa loob ng 16 na taon, naging misyon na ng “It's Showtime" na maging tulay ng pag-asa para sa mga Pilipino. Kaya sa espesyal na edisyon ng Laro Laro Pick, bago pa man magsimula ang laro, agad nang nagbigay ang programa ng tig-P20,000 sa bawat player. At sa bawat round na malalampasan nila, may karagdagang P5,000 pa.

Hinangaan ng madlang people ang laki ng puso ni Vice, na kitang-kita ang kagustuhang manalo ang lahat. Sa “It’s Giving” round, literal siyang naging giving, sa binigay niyang easy category na, “Magbigay ng kahit anong naiisip mo ngayon.”

Marami rin ang naantig kay Ricky, isang mapagmahal na lolo mula Cebu na masayang-masaya sa P30,000 na naipon niya sa laro. Pakiramdam niya ay maiaahon na niya kahit papaano ang asawa at limang apo. Hindi sinasadyang mapaiyak ni Tatay Ricky ang madlang people nang awitin niya ang paborito niyang kanta para kay misis, ang “Maghintay Ka Lamang,” isang kantang nagpapaalala na huwag susuko sa gitna ng pagsubok dahil palaging may pag-asa. Niyakap ni Vice si tatay Ricky at taos-pusong nangako, “Tutulungan kong maging masaya ang Pasko ng pamilya n’yo..”



Samantala, si Disyang, isang solo parent mula Cebu, ang humarap sa jackpot round. Hindi lamang isa kundi dalawang kalamidad ang dumurog sa kanilang tahanan—bagyo at lindol. Dahil sa lindol, gumuho ang bahay nila, kaya’t sa tent na lang muna sila nanunuluyan ng kanyang tatlong anak.  

Bilang volunteer worker sa barangay, tumatanggap lang siya ng P1,450 na allowance kada buwan, na pilit niyang pinagkakasya araw-araw, katuwang ang anak na construction worker.  

Naging emosyonal si Disyang nang umabot sa P500,000 ang Li-Pot offer. Para sa isang inang ang tanging pangarap ay mapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak—at nakalimutan nang mangarap para sa sarili—sapat na ang kalahating milyon. Kaya’t pinili niya ang Li-Pot.

Pero ipinaalala ni Vice na may P1 milyon na naghihintay kung pipiliin niya ang Pot. Hindi tumigil si Vice sa pangungumbinsi, “Alam kong malaki ‘yan, pero sa puntong ito na wala ka na ring ibang mawawala, bakit hindi mo subukang mangarap nang mas malaki?” Aniya, oras na sabihin ni Disyang ang salitang “Pot,” isang milyon ang maiuuwi niya.  

Nagtiwala si Disyang kay Vice, na binasa naman ang Pot question, "One plus one?" At dahil tama ang sagot, napanalunan niya ang P1 milyon jackpot!



At hindi pa rito nagtatapos ang tulong ng programa. Nagdesisyon ang "It’s Showtime" hosts na mag-ambagan para makabuo ng isa pang milyong piso na paghahati-hatian ng natitirang players. At sa huli, may mahalagang paalala si Vice, "Bumoto nang tama.:  



Patuloy na bubuhos ang malasakit, pag-asa at good vibes sa "It's Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (KOL), A2Z, GMA 7, at  iWant.

Related Articles

Cheezmis

Legit na chismis, mas pinabilis.

© 2026 Cheezmis. All rights reserved.