Nagtapos with flying colors ang mga graduating students na sumabak sa masasayang games ng "Laro Laro Pick" sa December 11 episode ng "It's Showtime."
Tulad ng laging paalala ni Vice Ganda, may magandang bunga ang pagsisipag sa eskwela. Isang estudyante na naman ang nakasagot ng POT question, katumbas ng P200,000 nitong Huwebes.
Iskolar at Dean's Lister ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig si Dan, na dinala ng tadhana sa "Laro Laro Pick" jackpot game kung saan inalok siya ng P20,000 sa Li-Pot. Pero malakas ang loob ni Dan, at malaki ang tiwala sa sarili kaya tinanggihan niya ang Li-Pot offer para sa P200,000 Pot question na, "Noong panahon ng Kastila, anong "I" ang tawag sa mga Pilipinong may mataas na pinag-aralan at may kakayahang magsalita at magbasa ng Espanyol tulad nina Jose Rizal at Mariano Ponce?" Sa loob ng limang segundo ay nabanggit niya ang "ilustrado," na siyang tamang sagot.
Marahil 'tears of joy' ang pumatak mula sa mga mata ng waging player nang i-congratulate siya ni Vice Ganda at i-cheer ng madlang people at mga kasamang estudyante sa studio. Malaking tulong ang P200,000 sa pamilya ni Dan, lalo pa't gusto niyang mag-give back sa mga magulang sa darating na Pasko.
Samantala, hinangaan din ang disiplina ng iba pang graduating students sa game arena. Masayang kuwentuhan ang pinagsaluhan ng hosts at ni Dean, ang Criminology student na focused sa goal at priority ang studies. Hindi niya nakahiligan ang pumorma sa mga babae, dahil alam niyang mahirap pumasok isang relasyon nang hindi pa nakakatapos ng pag-aaral at walang trabaho.
Kinilala rin nina Vice Ganda si Mark, iskolar na suma-sideline sa pamamasada ng tricycle upang matustusan ang pangangailangan sa eskwela. Hiling ng Unkabogable Superstar ang maraming oportunidad para sa mga kabataang ito pagkatapos ng graduation, “Dahil kayo ang pinakikiusapan at inaasahan namin para sa kinabukasan ng bansang ito –‘yang husay, talino at tapang ninyo.”
With flying colors din ang performances ng dalawang duos sa "TNT Duets 2." Unang sumalang sa entablado sina Jebros Maglinte at Nayela Nocquiao, na kinanta ang "Sign of the Times" ni Harry Styles. 'Palavarn' din ang tandem nina Lovern Apa at Francis Indonio na inawit ang "Di Na Natuto."
Hindi narinig ang gong sa araw na 'to, pero aminado sina hurado Erik Santos, Nyoy Volante, at Jonathan Manalo na may 'boring' parts sa performances, specifically kina Jebros at Nayela. Ipinaliwanag ng hurados kung paano ba binabalanse ang 'pagbibilang' o pagpuna sa mali ng contenders at ang palagi nilang hinahanap na 'sense of danger.'
Sabi ni hurado Jonathan, mas binibigyan niya ng bigat ang kabuuang performance kaysa sa maliliit na pagkakamali. "Pwedeng nabilangan ko siya pero siya pa rin 'yung winner ko kasi overall nagbigay pa rin siya ng better performance... We're humans, kasama ang imperfections. Pero doon sa imperfections na 'yun, kapag naitatawid ninyo, nagbibigay ng excitement," paliwanag ni hurado Jonathan.
Sa huli, itinanghal na panalo ang pares nina Lovern at Francis matapos makakuha ng 92% laban sa 89% nina Jebros at Nayela.
More good vibes at pag-asa ang hatid ng "It's Showtime,” Lunes hanggang Sabado, 12 NN sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (KOL), A2Z, GMA 7, at iWant.
