.jpg)
Matagumpay na binuksan nina JM Dela Cerna at Marielle Montellano ang pinakabagong season ng "Your Face Sounds Familiar" matapos silang tanghaling unang weekly winners ng programa dahil sa kanilang pasabog na impersonation bilang Andrea Bocelli at Céline Dion.
Dahil sa makabagbag-damdamin nilang bersyon ng “The Prayer,” nasungkit nina JM at Marielle ang pinakamataas na combined votes mula sa jury na sina Gary Valenciano, Ogie Alcasid, at Sharon Cuneta pati na rin sa mula sa kanilang kapwa celebrity performers.
Ibinahagi nina JM at Marielle na matinding pagsubok sa kanila ang unang linggo lalo na may pressure bilang kaisa-isang duo ngayong season.
“Sobrang saya. Medyo challenging para sa amin ni JM bilang kami ang nag-iisang duo sa season na ito,” ani Marielle.
Bilang weekly winners, nakatanggap sila ng trophy at ₱50,000 na premyo. Ang pumangalawa ngayong linggo ay si Jason Dy na nag-transform bilang si Erik Santos na nakakuha naman ng pinakamataas na puntos mula sa jury.
Samantala, naging instant hit sa social media ang unang episodes ng show at top trending sa X ang hashtags nitong #YFSFisback, #YFSF1stWinner, at #YFSFKaSound. Umani rin ng milyun-milyong views online ang video snippets ng performances ng celebrity performers.
Asahan ng mga manonood ang mas marami pang nakamamanghang transformations, world-class performances, at masayang kulitan sa mga susunod na linggo. Abangan ang transformations nina JM at Marielle bilang Lady Gaga at Bradley Cooper; Jason Dy bilang Sam Smith; Pepe Herrera bilang Steven Tyler; Akira Morishita bilang Harry Styles; Alexa Ilacad bilang Connie Francis; Dia Mate bilang Maymay Entrata; Jarlo Base bilang Jay-R; at Rufa Mae Quinto bilang Cyndi Lauper.
Huwag palampasin ang “Your Face Sounds Familiar” tuwing Sabado at Linggo, 7:15 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live (KOL), at A2Z. Mapapanood din ito sa TV5 tuwing Sabado, 8:15 PM, at Linggo, 8:30 PM.