Higit tatlong dekada na sa industriya ang aktres na si Dolly Earnshaw De Leon pero nito lang mga nagdaang taon, saka lumikha ng ingay ang kanyang pangalan.
Bata pa lang napamahal na sa pag-arte si Dolly, "nag-start talaga ako sa mga school skit. tapos pinapa-arte kami ganyan. Tapos may eksenang pinagawa na kunyari namatay yung nanay namin, bigla ako naiyak ng totoo. Tas ang sarap nung pakiramdam na nagawa ko yun. Ang liberating pala nito, ang sarap ng feeling na pwede kong i-express yung emotions ko."
Estudyante pa lang, nagagawa na ni Dolly ang pag-arte hindi lang sa stage kundi maging sa telebisyon.
At mula naman sa telebisyon, tinawid niya ang mundo ng pelikula.
"Ang pinaka-film na ginagawa ko nung time na 'yun, 'yung mga Buddy en Sol, the movie, na wala naman akong linya tapos Shake, Rattle, and Roll, yung Undin, dinirek ni Peque Gallaga, so para sa akin, malaking honor yun."
Sa loob ng mahabang taon ng kaniyang karera, background actor si Dolly.
2020 nang nabigyan ng pagkilala ang kaniyang pagganap sa independent film na Verdict bilang FAMAS Best Supporting Actress pero kahit may acting award na, hindi pa rin siya nabigyan ng mas malalaking papel noon.
Ang pelikulang “Triangle of Sadness” ng Swedish director na si Ruben Östlund noong 2022 ang nagbigay ng ticket kay Dolly sa mas malalaking opportunity sa ibang bansa.
Nakuha niya ang Best Supporting Actress Award sa Guldbagge Awards sa Sweden, at sa Los Angeles Film Critics Association Awards sa Amerika. Siya rin ang kauna-unahang Pinoy na na-nominate sa prestihiyosong British Academy of Film And Television Arts at Golden Globe Awards sa Best Supporting Actress Category.
Pero sa kabila ng mga pagkilala, malayo pa raw para sabihin niya sa sarili na narating na niya ang tugatog ng tagumpay.
Sabi ni Dolly, "There are a lot of actors now na napakahusay and I admire them a lot. And iba yung drive nila. Ako kasi napaka-insecure ko noon and I think that's also the reason why ganun ako mag isip, dahil ang liit ng tingin ko sa sarili ko noon."
"It's so sad talaga na I'm gonna say this, pero I got affirmation. Finally got affirmation. Kasi I never got affirmation eh. Wala naman talagang nagsabi sa akin na you're good enough. May ‘K’ ka to be here. Walang, until recently na lang. Ang pathetic na kailangan manggaling sa labas 'yung approval bago ako maniwala sa sarili ko. So, at least ngayon may awareness na ako na ay, ganun pala ako mag-isip. Ngayon mas meron akong confidence dahil mas umaasa na talaga ako sa sarili ko na wala na akong ibang masasandalan, kundi yung sarili ko."
Para kay Dolly, hindi materyal na bagay ang sukatan ng tagumpay kundi ang kasiyahan na meron sa ating puso.
"Kailangan manggaling tayo sa ano ba yung nasa puso natin, bakit natin gusto gawin 'to, anong gusto nating sabihin. Kailangan malalim ang dahilan at kailangan mahanap natin yung dahilan na yun para ma-achieve natin yung true happiness."
Ulat ni Bernadette Sembrano para sa programang Tao Po. (September 27, 2025)
Mapapanood ang mga episode ng Tao Po dito.
